Nilalagnat ako. Na naman. Matigas kasi ang ulo ko. Palaging bilin ng Tatay ko na huwag na huwag akong magpapaulan. Kasi raw, magkakasakit ako.
Ang katwiran ko naman, bakit yung mga batang naliligo sa ulan, nagkakasakit ba sila pagkatapos? May kaibigan nga akong hindi Pilipino, sa bansa raw nila walang ganung konsepto. Kaya hindi siya takot maulanan. Pero dahil Pilipino raw ako, papayungan niya ako.
Sa maraming dahilan, sakitin ako pag tag-ulan. Sipon, ubo, sakit ng ulo, trangkaso. Pero hindi naman ako laging nauulanan. Hawa-hawa lang siguro. Baka kulang sa tulog. Baka kulang sa vitamin C. Baka kulang sa TLC. Baka kulang sa pansin.
Kahapon, puyat at pagod ako, at late sa pupuntahan, kaya pagkatapos kong iparada ang sasakyan, hindi na ako nagdala ng payong. Nakalimutan kong malayu-layo pala ang lakad. Hindi ko napansing maulap. Ganun talaga pag nagmamadali. Sa dami ng dala ko, may naiwan pa rin ako.
Pagkalipas ng dalawang oras, hindi na ako makalabas. Isang oras na raw umuulan at baha na sa kalyeng pinaradahan ko. Maraming taong naghihintay sa may pinto nung building ng gym. Nagtanong ako sa mamang guard kung pwedeng manghiram ng payong. E medyo pagod siguro si bosing, nasungitan ako. "Wala kaming payong", sabi niya.
"Wala kaming payong", sabi rin nung babaeng guard na katabi niya, kahit hindi ko naman siya tinatanong.
Tumayu-tayo pa rin ako sa lobby at naghintay na tumila ang ulan. Meron pa kasi akong isang pupuntahan. At inis na inis ako sa sarili ko kung bakit iniwan ko ang dalawang jacket at dalawang payong ko sa kotse.
Ilang minuto na, sige pa rin ang buhos ng ulan. Yung tipong puti na ang kapaligiran sa lakas niya. Tumatalsik kaya naglalampaso na ang janitor ng building para hindi madulas ang mga tao. Tumataas na rin ang tubig.
At umandar ang tigas ng ulo ko. Naisip ko, ulan lang iyan. Hindi dapat matakot sa ulan.
Kaya, hindi ako nagpaulan. Passive iyon e, parang wala kang kinalaman at basta nangyari na lang.
Ang tawag dun sa ginawa ko, sumugod sa ulan. May determinasyon. May purpose. Palaban. Pasugod. Maliit na tuwalya lang ang tinakip ko sa bumbunan ko.
Basa ako hanggang medyas. Buti waterproof ang bag ko. Dri-fit ang suot ko. Pero, basang sisiw ako pagdating sa kotse. Ang masaklap, hinabol pa ako ng parking attendant at siningil ng trenta pesos. Binuksan ko ang bintana at naulanan ang loob ng kotse.
Pagdating ko sa kainan, umorder ako ng mainit na calamansi juice. Kasi parang masarap yun para sa nararamdaman ko, maginaw na hindi ko maintindihan.
Ang masaklap, paggising ko kaninang umaga, masakit ang ulo ko, may ubo na ako, at nangangati ang lalamunan ko. Hindi yata't totoo, na magkakasakit na ako? Kung ganon, kasalanan ko ba ito?
Pumunta ako sa Ateneo kasi may prayer workshop para dun sa retreat na sinalihan ko. Okey naman ako maghapon, andun ang simptomas pero pwedeng hindi pansinin.
Pag-uwi ko sa gabi, sabi ko sa Nanay ko parang mainit. Katapat ko ang bentilador. Kapapatay lang ng aircon. Tiningnan niya ako sa mata tapos hinawakan sa braso, tapos sa leeg.
Pagkatapos noon, narinig ko ang sentensya na naniniwala lang ako kapag nanggaling sa ina, "Anak, mainit ka. Nilalagnat ka."
Mainit ako. Nilalagnat. Maysakit. At hindi yata ito nangyari lang sa akin basta. Parang... kasalanan ko ito.
O, mabigat na salita naman ang kasalanan. Wala naman akong nilabag sa Sampung Utos. Siguro mas tama kung sasabihin ko na lang na may kinalaman ako sa pagkakasakit ko.
Pero totoo nga ba iyon, na kapag nauulanan ang tao, nagkakasakit?
Paano kung hindi siya naulanan, kundi nagpaulan? Ano'ng tawag dun?
Tsk tsk. Baka... katangahan.
Matutulog na nga ako. Sakit ng ulo at katawan ko eh. Atbp.
No comments:
Post a Comment